KULUNGAN ang bagsak ng mga opisyal ng barangay na “gagalawin” ang ayuda na nakalaan para sa mga residente ng NCR Plus, ayon sa Malacañang.
Sa briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque mananagot mismo kay Pangulong Duterte ang mga opisyal na malalamang pinupolitika ang pamimigay ng ayuda.
“Lesson learned po kung kayo ay mga opisyales ng barangay. Ipakukulong po kayo ni Presidente kapag pati ang ayuda ay pagsasamantalahan ninyo. Napakadami na pong nadisiplina diyan,” ani Roque.
Matatandaang nakulapulan ng anomalya ang pamamahagi ng Social Amelioration Program noong isang taon makaraang isama ng mga opisyal ng barangay ang kanilang mga kapamilya at kamag-anak sa listahan ng makatatanggap ng ayuda.
“Ang mensahe po ni Presidente: Huwag na huwag na ninyong gagalawin ang ayuda sa panahon po ng lockdown at pandemya,” dagdag ni Roque.