IBINASURA ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) ang inihain na permit to rally ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa araw ng unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa aplikasyon, nais ng Bayan na magsagawa ng rally sa panulukan ng Batasan Road at Commonwealth Avenue.
“We regret to inform you that based on the recommendation of the Quezon City Police District, your intent to use Batasan Road for your activity on July 25, 2022 is denied,” ayon sa sulat ng DPOS kay Bayan secretary general Renato Reyes Jr.
Rason ng DPOS, ang Batasan Road ay hindi isang freedom park kung saan maaaring magsagawa ng mga kilos-protesta.
Makaaabala rin, dagdag ng DPOS, sa daloy ng trapiko sa Batasan Road at Commonwealth Avenue ang gagawing mass gathering ng grupo.