NAHAHARAP sa kaso ang doktor at ang pinagtatrabahuhan niyang ospital sa Vienna, Austria makaraan niyang putulin ang maling binti ng kanyang pasyente.
Ayon sa ulat, maraming iniindang sakit ang matandang pasyente kaya kailangang putulin ang isa sa kanyang mga binti sa Freistadt Clinic.
Todo-paumanhin naman ang doktor at pamunuan ng ospital.
“We are deeply shocked that… despite quality assurance standards, the wrong leg of an 82-year old man was amputated,” ayon sa kalatas ng klinika.
Idinagdag sa ulat na natuklasan lamang ang pagkakamali nang pinalitan ng mga nurse ang benda.
Napag-alaman na ang pagkakamali ay naganap bago ang operasyon o noong markahan ang binti na puputulin.
Imbes na kaliwang binti, kanan ang pinutol ng doktor.
Nakatakda na ring putulin ang kaliwang binti ng matanda. Iniimbestigahan na ng otoridad ang insidente.