DUBAI, United Arab Emirates – Nitong nagdaang Marso 31, 2022 ay nagsara na ang Expo 2020 Dubai, isang pangdaigdigang pagtatanghal na ginanap mula Oktubre 1, 2021. Ang Expo ay ginaganap mula pa noong 1800s na kung saan ay tampok ang mga pinakabago at teknolohiya.
Dinayo rin ng mga kababayan natin ang Expo – marami ang nagdala ng kanilang mga kamag-anak na nagmula pa sa Pilipinas.
Sa punto de bista ng isang mamamahayag na gaya ko, masasabing kapana-panabik ang Expo na may temang “Connecting Minds, Creating the Future.”
Walang dalawang araw na magkapareho. Pinalad po ang inyong linkod na maging bahagi ng isang in-house media team na araw-araw na naglalabas ng mga latest na ulat mula sa mga talakayan at bisitang pangdangal para sa mga mamamahayag sa iba’t ibang panig ng mundo – news wire service, ika nga.
Kaya nga naman, kundi ako nagkakape sa aking mesa ay nasa isang kwarto naman ako kasama ang mga lider ng mundo – halimbawa ay ang New Zealand’s Foreign Minister Nanaia Mahuta, o ang Presidente ng Zambia na si Hakainde Hichilema.
Kundi naman mga diplomat at pulitiko, ay mga iniidolong haligi ng Philippine music scene tulad ni Ely Buendia ng Eraserheads, Chito Miranda ng Parokya ni Edgar o ang grupong Kamikazee ang kaharap ko.
Tulad ng mga naging kasama ko sa Expo News Service ng Expo Communications Team, itinuturing kong isang malaking bahagi ng aking career bilang mamamahayag ang aking naging partisipasyon sa pangdaigdigang kaganapang ito –isang milestone, ika nga, na lalong nagpatalas sa aking kaalaman sa larangang ito.
Napaka-diverse ng aming team – may French, Dutch, Cambodian-Russian, Indian, Irish, Egyptian, Syrian, Algerian, mga British at ako, ang nag-iisang Filipino. Ang sayang isipin ng magkaka-ibang lahi kayo pero nagkaka-intindihan kayo sa trabaho. Mahigit isang linggo na ring nagsara ang Expo pero punung-puno pa rin ang aking isip ng mga ala-ala nito. Ang susunod na Expo ay gagawin sa Osaka, Kansai, Japan sa 2025.