Sunog pinigilan ng kapre?

PINIGILAN umano ng isang kapre ang pagkalat ng sunog sa isang barangay sa Davao City kamakailan.


Ayon sa ilang residente ng Purok 13, Brgy. Tibungco, isang kapre na naninirahan sa matandang puno ng acacia ang pumigil sa sunog na naganap alas-10 ng gabi Miyerkules.


Dagdag ng mga residente, ang kapre ang dahilan kaya hindi umabot sa kabilang purok ang apoy. Anila, nasa gitna ng dalawang purok ang pinamamahayang puno ng kapre.


Ayon kay Narciso, 72, nakita nila nang ibinuka ng kapre ang dalawang braso nito kaya nag-iba ang ihip ng hangin.


Naniniwala siya na dahil sa sobrang tanda ng puno ng acacia ay pinamumugaran ito ng mga engkanto.


Aabot naman sa 190 na kabahayan ang nasunog habang isang 84-anyos na babae ang namatay matapos ma-trap sa naglalagablab niyang bahay.


Base sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Panacan Fire Station, isang naiwang kandila ang dahilan ng sunog.