PINARE-REVIEW ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang naibasurang drug case kontra sa rapper na si Loonie sa Committee on Dismissed Drug Cases ng Southern Police District.
Ibinasura ng Makati Regional Trial Court Branch 64 ang drug charges laban kay Looney (Marlon Peroramas sa tunay na buhay) dahil sa hindi pagsunod ng mga pulis sa tinatawag na chain of custody rule.
Ayon kay Eleazar, pinaiimbestigahan na rin niya ang alegasyon ni Loonie na na-frame up ito.
“Kasama sa inutos kong imbestigasyon ay ang pagtutok sa lahat ng aspeto kung bakit na-dismiss ang kaso laban sa rapper na si Looney at ang kanyang kasamahan. Maliwanag na na-dismiss ang kaso dahil sa teknikalidad sa isyu ng rules on chain of custody at ito ang gusto nating tutukan upang hindi na maulit pa,” dagdag ng PNP chief.
Matatandaang nanawagan si Loonie kay Eleazar na imbestigahan ang umano’y “set up” na buy-bust operation sa kanya at kanyang mga kasama.
Idinagdag ni Eleazar na pinag-aaralan na ng PNP ang protocols para matiyak na ang rule on chain custody ay istriktong masusunod sa bawat police operation. –A. Mae Rodriguez