Online kotong hulicam; traffic enforcer sibak

NAKUHANAN ng video ang pangongotong ng isang traffic enforcer sa Tondo, Maynila na gumagamit ng e-wallet para cashless na ang mga transaksyon.


Sa kuha ng video ng driver na si Proceso Gonzales, mapapanood ang traffic enforcer na si Oliver Fernandez na sinabing natanggap na niya ang perang ipinadala sa kanya gamit ang isang online cash app.


Bago ito, sinita ni Fernandez si Gonzales nitong Lunes dahil sa umano’y patong-patong na traffic violation.


Nanghingi umano ang enforcer kay Gonzales ng P5,000 pero natawaran ito ng driver ng P2,000.


Dahil walang pera si Gonzales ay pinatawagan ng enforcer ang kanyang employer para magpadala na lang sa e-wallet.


Ang hindi alam ni Fernandez ay ibini-video ni Gonzales ang transaksyon.


Matapos ang insidente ay dumiretso ang driver sa Manila Traffic and Parking Bureau upang ireklamo si Fernandez.


Kinabukasan ay sinibak ni MTPB Operations Chief Wilson Chan ang traffic enforcer. –A. Mae Rodriguez