DAHIL sa isang kakatwang sakit, umaabot nang halos isang buwan kung matulog ang 42-anyos na si Purkharam ng Rajasthan, India.
Ayon sa ulat, 300 araw sa loob ng isang taon ang nagugugol ni Purkharam, may-ari ng isang grocery sa Bhadwa sa distrito ng Nagaur, sa kanyang pagtulog.
Matagal na umanong idinadaing ng lalaki ang kanyang sleeping disorder na tinatawag na Axis Hypersomnia dahil sa tuwing magigising siya ay sumasakit ang kanyang ulo at nanghihina ang kanyang katawan.
Dahil din sa sakit ay limang araw sa isang buwan lang niya nababantayan ang kanyang grocery.
Bunsod ng kakulangan ng protina sa utak na tinatawag na TNF-alpha ang nasabing kondisyon, ayon sa mga dalubhasa.
Ani Purkharam, una siyang na-diagnose sa kakatwang karamdaman mahigit dalawang dekada na ang nakararaan.
Kwento niya, nagpatingin siya doktor dahil tumatagal nang 15 oras ang kanyang normal na tulog.
Pero wala umanong maihatol sa kanya ang doktor dahil walang gamot ang nasabing karamdaman.
Lalo umanong lumala ang kondisyon niya noong 2015 nang imbes na oras ay umabot na nang hanggang walong araw ang itinatagal ng tulog niya.
Sa mga sumunod pang mga taon ay tumagal na ng 25 araw na siya kung matulog.
Habang tulog ay pinagtutulungan siyang pakainin at paliguan ng kanyang asawa at ina.
Umaasa naman ang dalawang kapamilya na gagaling din si Purkharam upang makapamuhay na ito nang normal.