MANANAGOT ang mga opisyal ng ospital sa Nueva Vizcaya na binalutan ng packing tape kaya nagmukha umanong mummy ang katawan ng lalaki na namatay sa aksidente, ayon sa pamilya ng biktima.
Inakusahan din ng ina ni Merwin Fabregas na si Mitchilou Fabregas-Sapipi ang mga doktor na tinanggalan ng life support ang kanyang anak kahit buhay pa ang biktima.
Nagtataka rin ang ina kung bakit inilagay sa ward ng mga pasyente ng Covid-19 ang anak gayong naaksidente ito at walang sakit.
Sa kwento ng ina ni Fabregas, isinugod sa Region II Trauma and Medical Center ang kanyang anak nang maaksidente noong Abril 30. Makaraan ang isang araw ay namatay ang biktima.
Giit ng ginang, buhay pa ang kanyang anak nang alisan ng life support. “Hiling ko sa nurse at doktor na bigyan pa nila ng chance. Nakita ko namang humihinga pa ang anak ko. Hindi sila nakikinig sa akin,” aniya.
Mas lalong nagpuyos ang damdamin ng ginang nang makitang ibinalot ng packing tape ang bangkay ng anak.
“Masakit sa kalooban. Nagawa n’yong manok ang anak ko. Wala silang pakialam na ganoon pa ang ginawa nila,” dagdag niya.
Isa-isa namang sinagot ni Dr. Napoleon Obaña ng nasabing ospital ang reklamo ng ginang.
Aniya, inilagay sa Covid ward si Merwin dahil itinuring itong suspected patient dahil mula ito sa Quirino kung saan maraming kaso ng Covid-19.
Idineklara nang patay ang biktima kaya tinanggalan ito ng life support, dagdag ni Obaña.
“Tinanggal ang life ‘yung machine para magamit ng ibang pasyente. Hindi namin tinanggal noong buhay siya.”
Ipinaliwanag din ng doktor na ibinabalot ang mga hinihinalang nasawi sa Covid-19 upang hindi na ito makahawa.
Huli na aniya nang lumabas sa test na negatibo sa sakit ang biktima.
“Had the RT-PCR come earlier, hindi namin siya ibabalot nang ganoon,” ani Obaña.