Nag-selfie sa riles ng MRT-3 kakasuhan

NAHAHARAP sa kaso at multa ang dalawang lalaki na nahuling nagse-selfie sa riles ng Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3) noong Linggo ng gabi, iniulat ngayong araw.

Inireklamo ng alarm and scandal sina Jerald Oliva, 22, construction worker, na bumaba sa riles, at si Rey Llasos, 28, tricycle driver, na kumuha ng larawan.

Ayon sa ulat, naispatan ng security guard sa Quezon Avenue station ang mga suspek habang nagkukuhaan ng larawan sa riles alas-7:15 ng gabi.

“Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng MRT-3 sa mga hindi awtorisadong indibidwal sapagkat delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran ngunit gayundin ng iba pang pasahero ng linya,” ayon sa management ng DOTr MRT-3.