Mocha Uson may tampo sa Cavite gov: Nasaan ka nuong binabatikos ang nakaraan ko?


MASAMA ang loob ni Overseas Workers’ Welfare Administration deputy administrator Mocha Uson kay Cavite Gov. Jonvic Remulla dahil sa pagiging “double standard” umano nito.


Sa Twitter, kinastigo ni Uson si Remulla at sinabi na, “Sana Gov @jonvicremulla ganyan kayo hindi lang sa kaalyado sa pulitika. Nasaan ka nuong binatikos ang nakaraan ko?”


Sagot ni Remulla: “Ma’am sadly hindi po ako familiar sa nakaraan mo. Ang narinig ko lang ay very influential ka pa nga sa Palasyo.”


“Pasensya na po at huli ako sa balita tungkol sa iyo. I wish you all the best,” dagdag ng gobernador.


Nag-ugat ang tila tampo ni Mocha nang ipagtanggol ni Remulla si Manila Mayor Isko Moreno sa mga natatanggap na panunuya ng alkalde kaugnay sa mga malalaswang larawan nito noong ito ay artista pa.


Sa Facebook, sinabi ni Remulla na hindi isyu ang nakaraan ni Moreno.


“What’s important is that Yorme NEVER LIED, DID NOT STEAL, KILL nor did he ever brought shame to the great people of Manila as a Public Servant,” ani Remulla.
Ipinunto ng gobernador na ang mga larawan ay kinunan noong hindi pa opisyal si Moreno.


“Dahil sa kanyang pag-aartista, hindi maiiwasang maraming sensitibong larawan ang nagkalat sa internet ngayon. Ngunit lahat ng ito ay kuha noong siya ay nagsisimula pa lamang,” dagdag niya.


“He was very young then. I am sure the limelight was quite tempting for a young lad from a very poor background. And why not? The opportunity for him to earn a living was readily available,” sabi pa ni Remulla.


Hindi naman pinangalanan ng gobernador ang personalidad na nanlait kay Moreno, pero matatandaang hinikayat ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag iboto bilang presidente ng Pilipinas ang isang Metro Manila mayor na may kumakalat na malalaswang larawan sa internet.


“Para bagang bigla na lamang panggigipit at pilit na pang-aalipusta sa butihing Alkalde ng Maynila. Kasama na rin dito ang paglurak ng mga nakakataas sa kanyang pagkatao… Kahit kailanman ay hindi ipinagkaila ni Yorme ang kanyang nakaraan. Siya ay batang Tondo at nagsimula sa wala. Isang kahig, isang tuka,” hirit pa ni Remulla.


“Hindi tama na tapaktapakan ang nakaraan, paninindigan at reputasyon ng isang taong wala namang kalaban-laban. Ang paghuhusga ay ilaan na lamang po natin sa mga taong lumabag sa batas o siyang mga nagtraydor sa bayan,” dagdag niya.