HUMINGI ng paumanhin Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa ginang na ipinahiya ng tauhan ng Department of Social Welfare and Development sa Tagbilaran City, Bohol.
Ayon kay Tulfo, hindi siya mangingiming suspendehin ang bastos na empleyado.
Napag-alaman na pinahiya at pinagalitan sa DSWD satellite office ang ginang nang magtanong ito kung paano siya makasasali sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Construction worker lang ang asawa ng ginang at may ilang anak na nagtatrabaho.
Ani Tulfo sa kanyang Facebook page: “Ako po ay nahihiya at humihingi ng paumanhin kay nanay.”
Siniguro rin ng opisyal na mananagot ang responsable sa pamanahiya sa ginang.
“Nay, pinaiimbestigahan ko na po ang insidente. Kapag napatunayan ko na hindi sinunod ng aking empleyado na tratuhin nang mabuti at asikasuhin ang mga kliyente ng DSWD na tulad niyo, siya po ang kauna-unahang empleyado ng DSWD na susupindihin ko dahil bastos ang pag-uugali,” saad pa ni Tulfo.