Beer gamit sa spa: tumagay habang nagpapaganda

GUSTO mo bang magpaganda habang tumatagay? Bakit hindi mo subukin ang isang spa sa Brussels, Belgium na beer ang ginagamit sa jacuzzi imbes na tubig?


Nakatakdang buksan sa Hunyo 4 ang “Good Beer Spa” ng magkasintahang Benedict Biebuyck at Ana Bordonada sa katimugang bahagi ng Brussels.


Ayon sa dalawa, nagdesisyon silang magtayo ng kakaibang spa makaraang makaranas ng kaparehong experience sa Czech Republic ilang taon na ang nakalilipas.


Ilang araw bago ang opening, binuksan ng magkasintahan ang spa para sa kanilang mga kapitbahay.


Ipinakita ni Biebuyck kung paano pinaghalo-halo ang hops, yeast, malt, at beer bago ibinuhos sa jacuzzi.

May 45 minuto ang kostumer para maligo.


Kung gusto namang uminom ng beer ng kostumer, ani Biebuyck, mayroong inaalok na draft beer ang spa.


Naaliw naman ang mga sumubok sa beer spa. “I heard that it really rejuvenates the skin so, who knows, it might make me look 10 years younger! And also I like the smell, It’s very natural, I feel very much in nature!” ani Aleksandra Tarchini, isang web designer mula sa Bulgaria.


Ang halaga ng 45-minutong sesyon ay 115 euros (P6,600) para sa dalawang tao. Kasama na sa bayad ang lahat ng beer na kayang ubusin.