HINDI pa rin nawawalan ng pag-asa ang broadcast journalist na si Bernadette Sembrano na mabibiyayaan pa rin siya ng anak sa edad na 46.
“Hindi ko naman sinasabing hindi [na] kasi nago-ovulate pa naman ako so hindi natin alam, baka magka-miracle baby din. So hindi ko pa rin isinasara ‘yung possibility,” chika ni Bernadette.
Ikinuwento ni Bernadette ang pagkawala ni Molly, ang kanilang anak sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF) noong 2018.
Ibinunyag ng broadcaster na habang “very hopeful” sila noon, inihanda pa rin niya ang sarili sa maaaring mangyari sa kanyang pagbubuntis.
“Nag-attempt naman kami pero, unfortunately, nagkaroon kami ng miscarriage,” kwento niya. “Meron before na magiging baby dapat, si Molly, pero nagka-miscarriage back in 2018, I think.”
“Excited and thankful but at the same time, binubuksan mo ‘yung pagkakataon na baka hindi rin matuloy,” sey pa niya. “No expectations kasi alam mo naman ‘yung reality ‘di ba? But we were really very hopeful.”
Ibinahagi rin ni Sembrano ang isa sa mga dahilan kung bakit nahirapan siyang mabuntis.
“I don’t mind sharing it kasi malaking bagay din sa mga kababaihan at sa mga mag-asawa. Meron akong endometriosis and meron akong myoma, so meron talagang difficulty in bearing a child,” aniya.