AABOT sa 48,000 katao ang masasawi sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Greater Manila Area.
Ginawa ni Phivolcs director Teresito Bacolcol ang pagtataya base sa pag-aaral na isinagawa sa magiging lawak ng pinsala ng malakas na pag-uga.
Bukod sa maraming bilang ng masasawi, papalo naman sa 118,000 ang magtatamo ng malubhang sugat sa pagyanig.
Samantala, nasa pagitan ng tatlo hanggang limang milyon ang kailangang ilikas, ani Office of Civil Defense administrator Usec. Ariel Nepomuceno.
Huling naranasan sa Kamaynilaan ang lindol na tinatawag na “Big One,” na resulta ng paggalaw ng West Valley Fault, noong 1658. Base sa pag-aaral, nagaganap ito kada 400 taon.
Ibig sabihin, inaasahan ang mapaminsalang lindol sa 2058.
Kaya, giit ng OCD, mahalaga ang quarterly earthquake drill upang mapaghandaan ng publiko ang mga lindol at maiwasan ang mas maraming casualties.