EXCITED na ang music fans sa darating na Lollapalooza, isang 4-day music festival na gaganapin sa Chicago, USA sa darating na July 28 – 31, 2022.
Bukod sa mga bigating stages na pangungunahan ng mga Western artist tulad nina Dua Lipa, Machine Gun Kelly, Doja Cat, at J.Cole, pinaka-inaabangan din ang performance ng BTS member na si J-Hope.
Talaga namang kikiligin ang ARMYs dahil ayon sa Live Nation Entertainment, magpeperform si J-Hope sa main stage ng Lollapalooza bilang closing act ng nasabing music festival sa July 31. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na magpeperform ang isang KPOP artist bilang main act sa isang major US music festival.
Nitong nakaraang buwan lamang ay inanunsyo ng grupong BTS ang kanilang “hiatus” mula sa group activities ngunit tuloy-tuloy pa rin ang individual activities ng bawat miyembro. Noong July 15 ay inilabas ni J-Hope ang kanyang kauna-unahang full length album na “Jack in the Box”.
Samantala, kasama rin sa line-up ng Lollapalooza performers ang labelmate ng BTS na Tomorrow X Together (TXT) na nakatakda namang magperform sa July 30.