YAN ang sigaw ng PH CARATS, fandom ng KPOP group na SEVENTEEN.
Nakakaloka ang mga ganap noong ticket selling para sa kanilang paparating na “Be The Sun” concert.
Naunang inanunsyo ng PLEDIS Entertainment sa kanilang Weverse at Twitter Account na kasama ang Manila sa “Be The Sun World Tour” na gaganapin sa October 8 and 9 sa SM Mall of Asia Arena.
Tuwang-tuwa naman ang PH CARATS dahil matapos ang mahigit dalawang taon, muling babalik ang SEVENTEEN sa Pilipinas at 2-day concert pa!
Ngunit agad din itong nabawi nang binansagang “palpak at unfair” ang ticket selling nitong nakaraan na pinangunahan ng Live Nation Philippines (LNPH) bilang concert organizer.
Nahati sa tatlong araw ang ticket selling; pre-selling para sa mga may CARAT membership (July 12), Live Nation membership (July 13), at general sales (July 14).
Unang araw pa lamang ng ticket pre-sale ay nagkagulo na ang mga tao. Bukod sa online queue na umabot sa mahigit 16,000, mayroong mga hindi gumagana ang membership code at hindi tinatanggap ang payment.
Inasahan na ng fans ang pagkakaroon ng technical difficulties dahil sa dagsa ng pila online ngunit ang mas kinagagalit nila ay ang kawalan ng komunikasyon mula sa concert organizers. Kesyo hindi man lang daw mag-update kung may natitira pa bang tickets. Natapos ang unang araw ng ticket selling na wala man lang umanong initiative mula sa organizers na tulungan ang fans sa kanilang concerns.
Pagdating ng ikalawang araw ng ticket selling, umabot sa mahigit 90,000 ang online queue sa SM Tickets. Ngunit marami pa ring fans ang bigong makakuha ng tickets. Nagbigay naman ng pahayag ang LNPH sa pmamagitan ng kanilang Twitter account:
“Based on the information provided by @smtickets, the following tickets are still available. Please keep refreshing your browser. #SMTicketsTulongNamanDiyan
Oct 8
VIP Soundcheck
VIP Standing
Oct 9
VIP Soundcheck
VIP Standing”
Ngunit imbes na makuha ang simpatya ng fans, tinawag na “unprofessional” ang concert organizers dahil sa paggamit ng hashtag na tila binabaling ang sisi sa kanilang ticketing partner.
Dahil sa dagsa na bilang ng fans na gustong makanood ng concert, bago magsimula ang pangatlo at huling araw ng ticket selling ay nagbukas ng panibagong seat sections ang LNPH. Patuloy namang naging dismayado ang fans dahil agad na na-sold out ang tickets at naglipana ang mga scalpers na ibinebenta ang tickets sa mas mataas na halaga.
Pagod, gutom, at galit ang naramdaman ng fans na nagtyagang pumila overnight sa mga SM Ticket outlets dahil sa palpak na sistema ng ticket selling. Mas madali raw sana nilang matatanggap ang pagkasold out ng show kung naging maayos lamang ang sistema ng LNPH sa ticket selling.
Ano nga ba naman ang simplemg pag-inform sa fans kung ilang seats na lamang ang natitira? Kung paano ireresolba ang mga problema na na-encounter nila sa pagbili ng ticket? Sabihin na nating hawak ng SM Tickets ang pagbebenta ng tickets ngunit hindi ba dapat ay may pananagutan din kayo bilang concert organizers?