NASA 37 milyong Pilipino ang sobra sa timbang o obese, ayon sa Philippines Nutrition Council.
Ayon kay Jovita Raval, pinuno ng Nutrition Information and Education Division ng PNC, ang pagka-obese ng maraming Pinoy ay bunsod ng pagkonsumo ng mga hindi masusustansiyang pagkain.
Bagama’t milyon-milyong Pilipino rin ang nakararanas ng gutom dahil sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin, may mga dumaranas ng masamang epekto ng pagiging sobra sa timbang, ani Jovita Raval, hepe ng Nutrition Information and Education Division.
Kadalasang resulta ng sobrang pagkonsumo ng maaalat at matatabang pagkain, gayundin ang kakulangan sa tulog at tamang ehersisyo ang pagtaba, ayon kay Raval.
“Kailangan talaga tugunan na mabigyan sila ng balanseng diet, yung hindi maaalat at sobrang mamantikang pagkain at kailangan isulong natin yung physical activity,” sinabi niya.
“Sa kabataan, importanteng magkaroon sila ng tamang oras ng pagtulog,” dagdag pa niya.
Nagsusulong ang Nutrition council para sa pag-apruba ng isang “nutrient profile model,” na magbibigay sa mga mamimili ng isang listahan ng mga hindi malusog na pagkain na hindi dapat i-advertise sa mga bata, aniya.
“Isinusulong natin na ang mga lokal na pamahalaan ay magkaroon din ng ordinansa na ipagbawal yung pagbenta, pagmarket, mga advertising ng mga hindi masustansyang pagkain at inumin dahil malaking impluwensya yan sa mga kabataan,” ayon kay Raval.