KINONTRA ng aktor na si Romnick Sarmenta ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na dating kasamahan niya sa teen variety show na That’s Entertainment.
Sa Twitter post, sinabi ni Sarmenta na, “I politely disagree with the statement that says: ‘Di matatapos ang gulo kapag pula o dilaw ang manalo’.”
“Ang tamang statement ay ‘Di matatapos ang gulo, kapag trapo ang nanalo’,” dagdag niya.
“We deserve a better government, that is transparent, accountable and pro-Philippines,” ayon pa kay Sarmenta.
Matatandaan na nagbabala sa publiko si Domagoso na gulo ang mangyayari kung pula (Ferdinand Marcos Jr.) o dilaw (Vice President Leni Robredo) ang mananalo sa darating na halalan
“Kapag nanalo ang pula, hindi papayag ang dilaw. Sasabihin nandaya… Magkakagulo sa Metro Manila, magra-rally, papalitan ang presidente. Paano ang boto ng Bacolod? Kapag nanalo ang dilaw, maghihiganti sa pula, kay Duterte. Away na naman,” ani Domagosa nang humarap sa kanyang mga supporters sa Bacolod City noong isang linggo.
Samantala, nalagpasan na ni Sen. Manny Pacquiao si Domagoso sa pinakahuling Pulse Asia presidential survey.
Sa naturang survey na isinagawa noong Abril 16-21, pangatlo na si Pacquiao sa kanyang 7 porayento habang pang-apat na si Domagoso na mayroong 4 porsyento.