Payo ni Imee kay Bongbong na humarap sa debate ‘wag sundin

MALAMANG na mapahamak pa si dating Senador Bongbong Marcos kung susundin ang advice ng kanyang nakatatandang kapatid na si Senator Imee Marcos na kailangang humarap ang isang kandidatong presidente sa mga nakatakdang debate.

Sabi ni Imee kay Bongbong, “answer all criticisms. After all, we have faced all our cases.  We answer all criticisms. He can easily do that.”

Ano ba naman itong si Imee?  Kung ano-anong ipinapayo sa kapatid.  Tiyak kasing makakanal si Bongbong kung susundin ang payo ni Imee. Siguradong puputaktihin si Bongbong ng mga ka-debateng kandidato sa sandaling sumalang sa pinakahihintay na Comelec debate.

Asahan ding higit na magiging malakas at mabalasik ang mangyayaring upak laban kay Bongbong, kung ikukumpara sa inaasahang mga banat kapag hindi dumalo sa nasabing presidential debate.

Kung tutuusin, nasanay na ang marami sa hindi pagdalo ni Bongbong sa mga debate, at mukhang manhid na rin naman ang kanyang grupo sa mga batikos sa hindi pagsipot sa ganitong mga forum.  At tiyak din na mas magdudulot lamang ng karagdagang negatibong epekto sa kandidatura ni Bongbong kung sisiputin pa ang nakatakdang debate. 

Hindi na rin dapat mag-alala si Bongbong sa mga puna kung hindi man niya patulan ang Comelec debate dahil kung ang pagbabasehan naman ang mga presidential survey, nangunguna at malayo pa rin ang kanyang agwat kumpara sa kanyang mga kalaban.

Walang epekto ang magiging opensiba ng mga kalaban ni Bongbong. Sa halip na magalit, siguradong awa at suporta ang makukuha ng dating senador sa inaasahang sunod-sunod at nakakaumay na upak ng mga kalaban.

Matagal na nating sinasabing ang “FPJ formula” ang nangyayari ngayon kay Bongbong. At ang paulit-ulit na pagsasabi na siya ay duwag, bobo, adik, sinungaling, impostor, magnanakaw at hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay hindi tumatalab sa mga botante, bagkus umaani lamang ng suporta pabor kay Bongbong.

Kaya nga, nagtataka naman ako kung bakit pilit na pinadadalo ni Imee ang kanyang kapatid sa mga debate. Lumalabas tuloy na parang isinusubo niya sa kapahamakan si Bongbong at tila itinutulak pa sa kumunoy. Ano yan, inggit?

Kung tutuusin, halos dalawang buwan na lamang ang nalalabi bago mag-eleksyon at dapat maging maingat si Imee sa kanyang binibitiwang mga payo at isipin kung makabubuti o makasasama sa kandidatura ng kanyang kapatid.

At sana ay tigilan na rin ni Imee ang pakikipag-away sa social media dahil hindi ito epektib at lumilikha lang ng maraming kaaway si Bongbong.

Delikado itong si Imee. Kaya nga sa pangalawang pagkakataon… Liza, please naman busalan mo na ang bunganga ni Imee!