NANINIWALA ang Pulse Asia na nakapagdesisyon na ang karamihan sa 65 milyong botante sa bansa at hindi na ito maaring mabago pagdating ng halalan.
Dahil dito, sigurado na rin ang panalo ni presidential frontrunner dating Senador Bongbong Marcos Jr. matapos mapanatili ang malaking kalamangan laban sa mga katunggali sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Maging si Ana Maria Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, ay naniniwalang hindi na magbabago ang desisyon ng mayorya ng mga botante.
“Magbago man kaunti lang hindi na magkakaroon ng upset. Mahihirapan na talaga yung ibang contender na makahabol,” ibinunyag ni Tabunda sa panayam ng DZRH.
Napanatili ni Marcos ang kanyang 56 porsyentong voter preference sa Pulse Asia na isinagawa nitong April 16-21. Ginawa ang survey sa 2, 400 respondents.
Idinagdag pa ni Tabunda na sa 56 porsyentong nakuha ni Marcos, karamihan dito ay nagsabi na hindi na sila magpapalit ng kanilang desisyon hanggang dumating ang halalan sa Lunes.
“Eighty percent ang nagsasabi na hindi na magpapalit ang boto nila para kay BBM. Sa tingin ko hindi (na lilipat), that’s why yun pa rin ang number niya,” paliwanag ni Tabunda patungkol sa halos hindi panggalaw ng mga numero ng mga kandidato sa karera sa pagka-pangulo.