NANAWAGAN ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na huwag politikahin ang pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng Tropical Depression Agaton.
Paliwanag ni poll commissioner George Garcia, dahil hindi maiiwasan ang mga sakuna at iba pang mga natural calamities, maaaring gamitin ng local government units (LGUs) ang kani-kanilang mga calamity funds basta’t ipaalam sa mga lokal na tanggapan ng Comelec.
Hiling niya sa mga kandidato at iba pang pulitiko na iwasang maglagay ng anumang campaign materials sa mga ipamimigay na tulong o relief goods, kasabay ang babala na maaari itong magamit bilang diskwalipikasyon.
“Kung pupwede po, ‘wag na lang lalagyan ng mukha ng kandidato o mukha ni mayor. ‘Wag na lang ganun. Kung tulong, tulong po nating ibigay tutal naman po ay galing sa kaban ng bayan ‘yan, hindi sa bulsa ng pulitiko. ‘Wag na po nating gawing pamumulitika ito,” sinabi ni Garcia.
“Kung ganun, ako mismo ang magpapa-disqualify sa kanila,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Comelec’s Resolution No. 10747, kailangan ng certificate of exemption para maipatupad ang mga aktibidad at programa sa mga proyekto at serbisyo ng social welfare sa gitna ng pagbabawal na ito.