NANINIWALA si presidential aspirant at labor leader Ka Leody De Guzman na may home court advantage ang katunggaling si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sina gawa ng presidential debate ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Ang SMNI ay pag-aari ni hinihinalang sex trafficker na si Pastor Apollo Quiboloy.
Kamakailan lang ay inendorso ni Quiboloy si Marcos at running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa halalan 2022.
“Klaro ‘yun dahil syempre ‘yung nag-sponsor. Pangalawa, ‘yung prosyento ng mga audience ay full force tapos ‘yung mga pagka commercial ang ipapakita ‘yung grupo ni Bongbong Marcos, at saka ‘yung slate niya, ‘yung kanyang mga partylist na sinusuportahan,” ayon kay De Guzman.
“Kaya talagang ramdam mo na ‘yung lugar at mga audience na nandoon ay court talaga nila Bongbong Marcos,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin niya na panay ang hiyawan ng audience kay Marcos habang puro “boo” ang natanggap niya mula sa mga ito.
“Grabe talaga ‘yung pagtatanggol ng audience. ‘Pag binabanatan mo, grabe ‘yung reaksyon at kapag nagsasalita si Bongbong, grabe ang pagsalubong ay natural ‘yun,” ayon sa labor leader.
“Actually, sa likod nga, ‘yung mga kasamahan ko ay may ganu’ng naramdamang pressure na pagka ako magsasalita, bino-boo. Pero ‘pag sila ang nang-boo ay may reaksyon na parang may pressure sa ginagawa sa kanila,” dagdag pa niya.
Bukod kina De Guzman at Marcos, dumalo rin sa SMNI presidential debate sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at dating presidential spokesperson Ernesto Abella.
Hindi naman dumalo ang ilang kandidato sa pagkapangulo na sina Vice President Leni Robredo, Senador Panfilo Lacson at Manny Pacquiao, at Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.