ISA sa nakadadagdag ng problema sa climate change ay ang korupsyon sa Land Transportation Office.
Kaya isa sa nais solusyunan ni Partido Reporma standard bearer at Senador Panfilo Lacson sakaling manalo sa 2022 elections ay ang pagsasaayos ng burukrasya bukod sa pagpuksa ng korupsyon.
Sa panayam ng DYHB, local radio station sa Bacolod City noong Sabado, sinabi ni Lacson na bahagi ng kanyang plano ang pagpapatupad ng mas maayos na carbon emission testing at mga programa para sa pagtatanim ng puno sa kagubatan upang matugunan ang global warming.
Giit ni Lacson na kailangan ng pamahalaan na magsagawa ng mas maraming tree planting activity para muling mabuhay ang mga kagubatan sa bansa, na nawasak dahil sa operasyon ng mga illegal logger.
“Alam mo, ito, dire consequence ‘yung posible. Nabasa ko ito somewhere. By year 2100, baka wala na tayong Earth pagka hindi [tumigil] ‘yung tinatawag na fossil [fuel burning],” pahayag ni Lacson tungkol sa patuloy na pagsandal ng mundo sa fossil fuel.
Sinabi pa ng presidential aspirant na may koneksyon ang problemang ito sa talamak na korupsyon sa LTO kaugnay sa proseso ng vehicle emission testing, na kailangan umanong mahinto bilang paggalang sa Clean Air Act.
“Kung sino ‘yung naglagay, hindi naman talaga tine-test ‘yung carbon emission [tapos] bibigyan ng certification,” sabi pa ni Lacson.
Iba’t ibang siyentipikong pag-aaral na ang nagpakita na ang carbon dioxide na nililikha ng fossil fuel combustion para sa kuryente, transportasyon, at iba pang aktibidad ng tao, ay may may malaking kontribusyon sa paglalabas ng global greenhouse gas, na nagiging sanhi naman ng pagbabago ng klima ng mundo.