Duterte inendorso Go-Sara tandem sa 2022

BINASBASAN na umano ni Pangulong Duterte ang tandem nina Senador Bong Go at Davao City Mayor Sara Duterte para sa 2022 elections.

Ito ay ayon kay Diwa partylist Rep. Michael Edgar Aglipay matapos magpatawag ng dinner meeting si Duterte sa mga kongresista Martes ng gabi.

Ayon kay Aglipay may 100 kongresista ang inimbitahan sa meeting kung saan nagbigay ng standing order ang pangulo na ang dapat suportahan sa darating na halalan ay si Go at ang kanyang anak na si Sara kahit nakipag-alyansa na ito kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer at dating senador na si Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr.

Wala sa nasabing pagpupulong si House Majority Floor leader at Leyte Rep. Martin Romualdez na pangulo naman ng Lakas-CMD na ngayon ay kapartido ni Sara.