MAHABA ang listahan ng mga artista at iba pang celebrities na “umuwing luhaan” sa katatapos na halalan.
Nangunguna sa mga hindi pinalad sina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Sen. Manny Pacquiao na nasa ikaapat at ikatlong puwesto sa bilangan ng mga tumakbong pangulo.
Wa epek din ang suporta ng mga dabarkads sa vice presidential run ni Senate President Tito Sotto na hindi nagtagumpay sa puwersa ng mga fans ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa mga senatoriables, malayo sa Magic 12 ang puwesto nina Monsour del Rosario at Rey Langit habang nasa ika-14 si Herbert Bautista.
Bigo rin sa pagkagoberbador sina Sol Aragones (Laguna) at Imelda Papin (Camarines Sur)
Hindi rin pinalad ang aktor na si Jerico Ejercito na tumakbong vice governor sa Laguna.
Sa pagkakongresista, natalo sina Richard Yap (Cebu City), Rommel Padilla (Nueva Ecija), at Angelica Jones (Laguna).
Ganito rin ang naging kapalaran nina Alvin Patrimonio na tumakbong mayor sa Cainta, Rizal; ER Ejercito (mayor, Calamba, Laguna); Arnold Vegafria (mayor, Olongapo City); Teri Onor (vice mayor, Abucay, Bataan); at Raymond Bagatsing (vice mayor, Manila).
Kabilang naman sa mga “luhaang” kandidato sa pagkakonsehal sina Claudine Barretto (Olongapo City), Roderick Paulate, Melissa Mendez, Bobby Andrews, Hero Bautista, at Ali Forbes (Quezon City); Arci Muñoz (Cainta, Rizal); Dennis Padila (Caloocan City); at Inday Garutay (San Juan).