BAGAMAT hindi tahasang pinangalanan, kapwa bumanat sina Manila Mayor Isko Moreno at Senator Panfilo Lacson sa umano’y ginagawang panunulot ng kampo ni Vice President Leni Robredo.
Sa isang joint press conference, ipinamukha ni Lacson ang paglaglag sa kanya ng partidong una niyang sinamahan matapos sumuporta ang Partidp Reporma kay Robredo.
“Bukod sa kinakausap, gusto pa kaming hubaran. They are trying to strip us of our supporters, yung mga support groups, nangyari sa akin yung Reporma na-hijack then si Mayor Isko, yung kanyang ‘Ikaw Na’ sa Cebu, ganun din, so marami talagang attempts, parang nililimit na lang choices sa dalawa. Nakakahon na lang,” sabi ni Lacson.
Inakusahan naman ni Moreno ang kampo ni Robredo na walang delicadeza sa ginagawang pang-aagaw ng mga taga suporta.
“The way it is being done, nawala na talaga yung konting delicadeza. Hindi ko naman sinasabing maging disente pero lahat na yata ng madidilim na pamamaraan ay ginagawa na lamang at pinakikita na lamang sa ating mga kababayan,” ayon kay Moreno.