TINIYAK ni Education Secretary Leonor Briones na magiging maayos na transisyon sa pag-upo ni presumptive vice president Sara Duterte bilang susunod na kalihim ng DepEd.
“Malugod kong tinatanggap ang anunsiyo ni Presidential frontrunner Bongbong Marcos na ang papasok na Bise Presidente na si Sara Duterte ay inaasahan na maninilbihan bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon,” sabi ni Briones sa kanyang opisyal na pahayag.
Ito ay matapos sabihin ni presumptive President Bongbong Marcos na itatalaga niya ang kanyang katandem na si Duterte bilang kalihim ng DepEd.
“Handa ako at ang buong pamilya ng DepEd na magtrabaho kasama ang kanyang grupo para sa maayos na transisyon ng pamumuno sa DepEd. Gagawin natin ang turnover ng Basic Education Plan 2030, na siyang kauna-unahan sa isang papatapos na administrasyon na mag-iiwan ng medium-term plan,” dagdag ni Briones.
Ayon pa ni Briones na kampante siyang mapapangasiwaan ang DepEd ng mga mahuhusay na opisyal.