ISASAILALIM sa RT-PCR test at 10-araw na quarantine ang mga overseas Filipino workers (OFW) na naturukan ng bakuna na mula sa China pagdating nila ng Saudi Arabia.
Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kailangang i-swab test at i-quarantine ang mga OFWs pagdating ng KSA kung nabakunahan sila ng vaccine ng Sinovac o Sinopharm.
“Tinatanggap pa rin (ang mga OFWs) pero kailangan dumaan pa rin sa quarantine at may (swab test) pa rin. Hindi kagaya kung Pfizer ka–libre ka na, tuloy-tuloy pa pagpasok mo,” ani Bello.
Kamakailan ay nagpatupad ang Department of Labor and Employment ng deployment ban ng OFWs sa Saudi Arabia makaraang maiulat na ang mga manggagawa ang gagastos sa quarantine.
Kumalat din ang ulat na hindi papayagang makapasok ang mga OFWS na nabakunahan ng Sinopharm o Sinovac.
Agad namang tinanggal ang ban matapos siguruhin ng gobyerno ng Saudi Arabia na ang mga employer ang sasagot sa gastos sa swab test at quarantine ng mga manggagawang Pinoy.