SINABI ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na inaalam pa ang bisa ng mga bakunang gawang China, partikular ang Sinovac at Sinopharm laban sa mapanganib na Delta variant.
“Hinihintay pa po natin, sir, ‘yung data from Sinovac, Sinopharm at saka Sputnik regarding ‘yung Delta variant dahil inaaral pa po nila ito,” sabi ni Domingo nang humarap sa regular na Talk to the People ni Pangulong Duterte Lunes ng gabi.
Idinagdag ni Domingo na mabisa pa rin ang ibang bakuna katulad ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Janssen, bagamat bumaba ang efficacy ng mga ito ng 10 hanggang 20 porsiyento laban sa higit na mapanganib na Delta variant.
“So, ang nakikita naman po nating pattern ay ganoon ‘no. Nagiging — ang mga variant po, nababawasan nang kaunti ‘yung efficacy ng vaccine pero hindi naman po siya nawawala ‘no, nagiging very useful pa rin naman po,” dagdag ni Domingo.