KINUMPIRMA ng lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Lunes na meron na itong kaso ng coronavirus Delta variant.
Ayon sa report, isang 34-anyos na lalaki na returning oveseas Filipino ang nagkaroon ng Delta variant infection. Galing ang lalaki sa Saudi Arabia at dumating sa bansa noong Hunyo 24. Residente ang lalaki ng Quezon City.
Isinailalim sa test ang lalaki noong Hunyo 30 at nakarekober at umuwi sa kanilang bahay noong Hulyo 11.
Nitong Linggo, nag-abiso ang City Epidemiological Surveillance Unit (CESU) tungkol sa resulta ng seuence sample na ginawa sa OFW at doon nga natukoy na positibo ito sa Delta variant.
Dahil dito, muling nagsagawa nang panibagong swab tests sa pasyente at sa mga kaanak nito na kasama niya sa bahay.
Naniniwala naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte na handa ang city government na i-handle ang kaso.
“We have put in place extensive measures in preparation for the Delta variant and we continue to exert all effort to contain its possible spread. What is important is that we are intensifying testing and aggressive contact tracing,” pahayag ni Belmonte.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang Quezon City sa isa pang lokal na pamahalaan na meron ding isang lalaki na nagtatrabaho sa isang factory sa syudad ngunit sa ibang lugar naman nakatira ang nagpositibo rin sa nasabing variant. Sinasabing may asawang buntis ang factory worker.