PINAY NA FIRST-RUNNER UP SA MISS ECO INT’L, MAY COVID-19?

NAGKAKAGULO ngayon sa social media matapos isiwalat ng isang opisyal ng Miss Eco International na positibo sa Covid-19 ang Filipina first runner-up na si Kelley Day.

Sa Instagram, ipinost ni Miss Eco-Peru national director Jessica Newton ang picture ng Covid-19 test result ni Kelley na may nakasulat na “positive.”

Maliban kay Kelley, ilang kandidata rin ang nagpositibo sa virus sabi ni Newton. Nagulat naman ang mga netizens dahil nauna pa si Newton na mag-post ng resulta kesa sa mismong nag-organize ng pageant.

Nagtataka rin ang mga ito bakit may access siya sa resulta gayung confidential iyon. Matapos kumalat ang balita ay agad na naglabas ng kalatas ang Miss World Philippines Organizations.

Ayon kay national director Arnold Vegafria, nakikipag-coordinate na sila sa Miss Eco International organization ukol sa kalagayan ni Kelley.

Dagdag niya, “topmost priority” nila ang dalaga. Sinabi pa ni Vegafria na hinihintay pa nila ang opisyal na pahayag mula sa organisasyon kaugnay sa isyu. –A. Mae Rodriguez