Para iwas-lockdown, bakunado lang papayagan sa mall, restaurant


NANINIWALA si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang panukala niyang tanging mga bakunado lamang ang papayagan sa mall at restaurant sa Metro Manila ang solusyon para hindi na muling magdeklara ng lockdown.


Aniya, naisumite na niya ang kanyang programa sa Inter-Agency Task Force at inaasahan niyang maaaprubahan ito.


Magtatapos ngayong araw ang dalawang-linggong enhanced community quarantine sa National Capital Region, na isasailalim sa mas maluwag na modified ECQ hanggang katapusan ng Agosto.


Hindi pa rin pinapayagang mag-operate ang mga restaurant sa MECQ.


Sinabi naman ni Concepcion na ipatutupad ang nasabing programa kapag nabakunahan na kalahati ng populasyon ng Metro Manila.


“Ibig sabihin, when 50 percent of the LGUs in Metro Manila are fully vaccinated, then they can allow business establishments like malls and restaurants to already open for only fully vaccinated,” paliwanag ni Concepcion.


“It’s the formula that we have proposed that will really take us through without anymore lockdown. Ang mangyayari ‘yan yung fully vaccinated lang ang pwede lumabas. Kung magkasakit ang fully vaccinated yung hospitals won’t reach full capacity, fully vaccinated will not be hospital care,” dagdag niya.


Sa kasalukuyan ay nasa 12.8 milyong Pilipino na ang nababakunahan.