IPINAGTANGGOL ng Palasyo ang biglaang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ipatupad ang Alert Level 2 sa Metro Manila epektibo ngayong araw hanggang Nobyembre 21, 2021.
“Alam ninyo po mahirap kasi kung magtataas ng alert level kasi lilimitahan natin iyong mga magtatrabaho, lilimitahan natin iyong pagbubukas ng ekonomiya. Pero siguro naman kung reverse gaya nito na pagbaba eh wala pong mawawala kahit mabilisan iyong announcement na ginawa ng IATF dahil ito po’y mabuting balita at ito po ‘yung pinakaaantay-antay na balita ng marami sa atin na para magkaroon muli ng hanapbuhay ang ating mga kababayan,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na dumaan sa debate ng mga miyembro ng IATF ang naging desisyon na ibaba ang alert level sa Kalakhang Maynila.
“Talaga naman pong konserbatibo ang IATF kaya nga po minsan talagang nagkakaroon nang matinding debate na dapat magbukas na. Pero ‘pag nagsang-ayon po ang lahat na kinakailangan i-deescalate, mayroon naman pong dahilan iyan dahil nga po importante mas maraming hanapbuhay sa ating mga kababayan,” giit ni Roque.