Open kahit MECQ, resort sa Caloocan ikinandado

IPINASARA ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang resort sa siyudad na patuloy ang operasyon kahit umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ).


Sa kalatas, sinabi ni Malapitan na sasampahan ng kaso ang may-ari ng Gubat sa Ciudad resort.


“Buong pwersa ng batas ang ipapataw sa mga may-ari at operator ng resort kasama na ang mga nag-swimming at ang mga pinuno ng barangay na tila nagpabaya sa kanilang tungkulin,” ani Malapitan.


Ipinag-utos na rin niya ang pagbawi sa business permit ng resort upang hindi na ito makapag-operate muli.


Isasailim din ang mga nahuling naliligo sa swab test at quarantine.


Noong Linggo ay naaktuhan ng mga opisyal ang ilang katao, kabilang ang mga bata na hindi pinalalabas dahil sa MECQ, na nagsu-swimming sa mga pool ng resort.


Ipinagbabawal ang operasyon ng mga resorts sa ilalim ng MECQ na pinaiiral sa Metro Manila at apat na katabing probinsya.