NASAWI ang isang komadrona sa isang bayan sa Isabela matapos itong dapuan ng coronavirus disease.
Ang nakagugulat ay namatay ito 13 araw matapos magpaturok ng bakuna kontra COVID-19, ayon sa ulat ng GMA.
Batay sa lokal na pmahalaan ng San Mateo, Isabela, namatay ang komadronang si Elvira Estera, municipal midwife sa Rural Health Unit ng bayan, matapos magpositibo sa sakit.
Sinasabing 15 iba pang mga empleyado ng RHU ang nagpositibo rin sa virus. Ilan sa kanila ay gaya ni Estera na nagpaturok din ng bakuna.
Hindi naman tinukoy kung anong bakuna ang ibinigay sa kanila.
Sa ngayon tanging Sinovac at AstraZeneca pa lamang ang mga bakunang available sa bansa.
Ayon sa Department of Health, aalamin nila ang pinag-ugatan ng insidente.