IGINIIT ni vaccine czar Carlito G. Galvez Jr. ang kanyang posisyon pabor sa mandatory vaccination, kasabay ng paglulunsad ng tatlong-araw na National Vaccination Day mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
“Vaccination is critical in protecting and saving the lives of people. ‘Yung mandatory vaccination is necessary dahil napakalaki ng epekto ng pagbabakuna sa ating ekonomiya at kalusugan. Hindi tayo makakalagpas sa pandemyang ito kung hindi lahat ay mababakunahan,” sabi ni Galvez.
Idinagdag ni Galvez na may sapat na bakuna ang pamahalaan para ipatupad ang malawakang bakunahan.
Base sa datos ng pamahalaan noong Nobyembre 8, nakatanggap na ang pamahalaan ng kabuuang 113,451,500 doses, kabilang na ang 2.8 milyong doses ng Sputnik V na dumating Lunes ng gabi.
“Kaya itataon namin ang National Vaccination Days sa Bonifacio Day sa November 30 dahil ang gusto nating iparating ay lahat ng magpapabakuna ay bayani,” dagdag ni Galvez.
Umabot na sa 63,733,776 doses ng bakuna ang nagamit, kung saan 29,331,626 na ang mga fully vaccinated, samantalang 38,019,055 o 49.29 porsyento ng target na populasyon ang nabigyan ng unang dose.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 54 milyong Pinoy o kabuuang 70 porsiyentong ng populasyon bago matapos ang taon.