Kaso ng COVID sa MM patuloy bumababa; tumataas sa ibang rehiyon

SINABI ni OCTA Research Group fellow Professor Guido David na patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Metro Manila bagamat nararanasan na ang pagtaas ng mga kaso sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa panayam ng DZMM, idinagdag ni David na nakapagtala na lamang ng 7,200 mga kaso sa NCR nitong Biyernes kumpara sa 9,400 noong Huwebes.

“Patuloy namang bumababa sa NCR pero nagsasurge na ngayon outside NCR Plus. Meron na nga tayong record high na surge sa Cebu City, sa Davao City,” aniya.

Idinagdag ni David na sa Cebu City umabot sa mahigit 700 na kaso ang naitala sa isang araw doble sa 300 na kaso sa kasagsagan ng Delta variant.

“Hindi pa yan ang peak nila. Baka umabot pa sila ng more than 1,000 per day by next week,” aniya.

Kahapon, umabot sa mahigit 32,000 ang mga kaso ng Covid sa buong bansa.