Lolit Solis kay Lolo Narding: Ang mali ay mali

TALIWAS sa sentimyento ng karamihan, sinabi ng veteran showbiz columnist na si Lolit Solis na mali ang ginawang pagkuha ng mangga ni lolo Narding Floro kahit pa 10 kilo lamang iyon.

Sa Instagram, nilektyuran ni Lolit si lolo Narding, 84, na kinasuhan dahil sa pamimitas ng mangga mula sa puno na kanya umanong tinanim sa Asingan, Pangasinan.

“Sad naman ako sa isang article…tungkol sa isang 80 years old na matanda na ikinulong dahil kumuha ng 10 kilong mangga. Nangyari iyon last year, umakyat ang kaso ngayon, kaya hinuli siya dahil meron nang inilabas na warrant,” aniya.

“(Pero) alam natin ang mali eh mali, kumuha ka ng hindi sa iyo kahit 10 kilong mangga lang iyon, puwede kita ireklamo,” giit ni Lolit.

Samantala, kinondena rin niya ang complainant dahil sana ay kinausap na lang nito ang matanda bago kinasuhan.

“Pero hindi ba puwede pag-usapan na lang lalo pa nga at isang matanda na walang pamilya ang involved?” ani Lolit.

“May dahilan tiyak bakit niya nagawa iyon, sitahin mo at kausapin, pagsabihan huwag ng umulit. For humanitarian reason na lang, 80 years old makukulong dahil sa 10 kilong mangga saka sabi siya ang nagtanim,” dagdag niya.

Pinaalalahan din niya ang mga netizens na mag-ipon habang bata para pagtanda ay mayroon pa ring magagastos.