DOH: Walang Covid surge kahit sumipa kaso sa NCR


TIGAS sa pagtanggi ang Department of Health na mayroon nang surge ng Covid-19 sa Metro Manila kahit pa sumipa na ang mga kaso at nadagdagan ang bilang ng nade-detect na Delta variant.


Giit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire: “‘Wag na muna natin gamitin ang surge. Kasi meron ‘yang definition sa epidemiology which is not yet happening right now. Tumataas ang kaso–that we can verify.”


Inamin naman ni Vergeire na ang pagdami ng mga nagakakasakit sa ibang lugar ay dahil sa pagkalat ng variant of concern.


“Atin pang inaalam what really happened in these specific areas, if there were really breaches or meron pa tayong factors na kailangan tingnan,” ani Vergeire.


Kamakalawa ay sinabi ng OCTA Research na nagsisimula na ang Covid surge sa Metro Manila.


“If next week nag-increase pa ‘yung number and if more than 1k average cases kasi ngayon were around 900 cases ang average ng NCR. Kapag lumampas na tayong 1,200 to 1,500, it’s going to be critical na and we really have to put a hard stop to it,” ani Guido David ng OCTA Research.


Inihayag ng grupo na nasa 954 na ang average daily cases sa NCR, mas mataas nang 47 porsyento kumpara sa naunang linggo.


Samantala, pumalo naman sa 84 ang kaso ng Delta variant na nadagdag sa talaan ng DOH sa nakalipas na apat na araw.