SINABI ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may posibilidad na magpatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19
“The possibility is there, kung magtutuloy-tuloy ang mga kaso, siyempre makakakita rin tayo ng pagtu-tuloy na pagtaas at baka yung admission natin sa ospital ay tumaas and therefore, kapag ganyan ang nangyari, magsi-shift tayo at mag-eescalate sa Alert Level 2,” sabi ni Vergeire sa panayam ng DZMM ngayong Lunes.
Idinagdag ni Vergeire na 13 sa 17 lugar sa National Capital Region (NCR) ang nagkakaroon ng pagtaas sa mga kaso ng COVID-19.
“Sa ngayon 13 out of the 17, pag tiningnan natin ang kanilang average daily attack rate, at saka yung mga kaso na tinatamaan sa mga area, it’s not still significant because it’s not affecting the admissions in the hospitals. Bagama’t gusto lang nating paalalahanan ang ating mga kababayan na we should be aware and conscious,” dagdag ni Vergeire.
Idinagdag ni Vergeire na ang pagtaas ng kaso ay bunsod na rin ng paggalaw ng mga tao, ang pagdami ng mga variant sa bansa at ang pagbaba ng immunity ng mga nabakunahan.
Iginiit pa ni Vergeire na naninindgan ang DoH na kailangan pa ring magsuot ng mask sa harap ng desisyon ni Cebu Governor Gwen Garcia na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng mask.
“Naninindigan ang Department of Health na sa ngayon hindi pa panahon para tanggalin ang face mask dahil nakikita natin ang benepisyo nito laban sa impeksyon ng COVID-19,” aniya.