NAGPOSITIBO sa Covid-19 ang apat sa 280 driver at pahinante ng mga sasakyang stranded sa Pan-Philippine Highway sa Bato, Camarines Sur dahil sa bagyong Bising.
Ayon sa Incident Management Team ng Camarines Sur na maliban sa apat, dinala na rin sa quarantine facility ng probinsya ang 13 katao na nagkaroon ng contact sa kanila.
Sinabi sa ulat na pinahinto ang higit 150 sasakyan sa hangganan ng Camarines Sur at Albay upang hindi humaba ang pila sa Matnog Port sa Sorsogon sa kasagsagan ng bagyo.
Upang masigurong walang sakit ang mga driver at pahinante na pumasok sa probinsya ay isinailalim ang mga ito sa swab test habang hinihintay na makabiyahe uli.
Napag-alaman na nais ding pabalikin ni Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte sa pinanggalingan ang mga stranded na sasakyan upang hindi na makapagkalat pa ng virus sakaling may iba pa na magpositibo.