15K Sputnik V dosage ikakalat sa Metro Manila

SINIMULAN ngayong araw ng Department of Health (DoH) ang pamamahagi ng 15,000 doses ng Sputnik V sa Makati, Taguig, Muntinlupa, Manila at Parañaque.


Ani Health Undersecretary Myrna Cabotaje, pinili ang limang lugar dahil mayroon itong cold chain na kinakailangan para mapanatili ang -18 degrees centigrade ng mga bakuna.


Ayon pa kay Cabotaje, nakipag-partner ang lokal na pamahalaan ng Paranaque sa isang pribadong sektor kung saan target na isagawa ang pagbabakuna ng Sputnik V sa loob ng isang mall.


Samantala, ibibigay naman ni Makati City Mayor Abby Binay ang alokasyon ng lungsod sa Makati Medical Center na siyang magsasagawa ng pagbabakuna.


“Magbibigay ng listahan si Mayor Binay, bagamat ang Makati Medical Center ang siyang magsasagawa ng pagbabakuna ng Sputnik V,” dagdag ni Cabotaje.


Tiniyak naman ng opisyal na mas handa na ang Pilipinas sa pamamahagi ng Sputnik V pagdating ng karagdagang 485,000 doses ng vaccine bago matapos ang buwan.