SOBRANG nakalulungkot at nakagagalit ang marahas na pangyayari sa live coverage ng demolition sa Pampanga nitong Martes, March 12.
Pumutok ang balitang dalawang online reporters o maaaring higit pa, ang hinarass sa coverage ng bayolenteng demolisyon sa Sitio Balubad, Barangay Anunas, Angeles City, Pampanga.
Sa media alert na inilabas ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), habang kino-cover ni Rowena Quejada ang insidente, kinompronta siya ng mga naka-bonnet na demolition team ng Clark Hills Properties Corporation.
Tinutukan si Quejada ng baril ng isa sa naka-bonnet. Sinigaw-sigawan siya ng kung ano-anong masasamang salita at sinabihan na “demonyo” sa pagre-report ng kaguluhan.
Ayon pa sa Alert, inagaw ng mga armadong kalalakihan ang kanyang cellphone, shoulder bag at wallet na may lamang pera.
Isang Japanese ang nakakita ng buong pangyayari, tinulungan si Quejada at itinago sa kanilang bahay.
Sa report pa ng NUJP, nanatili si Quejada sa bahay ng pamilya ng Japanese hanggang humupa ang tension.
Ang reporter namang si Joann Manabat ay pinagbantaan din.
Hinihinalang nagpaputok ng baril ang mga goon. Sa inisyal na report, pito ang sugatan kasama rito ang isang duguang lalaki na nakita sa live coverage kahapon ng K5 News.FM Olongapo.
Noon namang February 20, tinuligsa ng UST students at alumni ang media censorship ng Office of Student Affairs. Noon kasing February 15, naglabas ng photos ang Tomasino Web, isang student organization.
Nagtrending ang litrato ng dalawang UST students papasok ng 7-11. Ang siste, halos magkamukha ang uniform ng mga estudyante at service crew ng convenience store.
Kinabukasan tinanggal ang picture sa utos ng OSA – nasasalang daw kasi ang eskwelahan aa “public ridicule.
Nag-resign ang adviser para pansamantalang itigil ng TomWeb ang kanilang operasyon.
Wala ako nakikitang offensive sa litrato. Mas offensive pa nga ang reaction ng OSA na minamaliit ang mga manggagawa.
Ano ngayon kung halos pareho sila ng uniform? Hindi naman kasalanan yan ng mga estudyante at service crew.
Nagmumukha pa ngang elitista ang tingin ng OSA sa sarili nila at matapobre. Natural namang matuwa ang netizens sa post kaya nagtrending.
Pero hindi nangangahulugang minamaliit ang UST o UST students sa reactions ng netizens. Makikitid at pintasero lang ang gagawa nun.
Sino ang hindi makakalimot sa pag-aresto at pagkulong kay Frenchie Mae Cumpio ng news website Eastern Vista na biktima ng red-tagging at kinasuhan ng mga imbentong demanda?
Ang Bulatlat.com Pinoy Weekly at 25 iba pa na pawang online news portals ay madalas atakihin ng Distributed Denial of Service Attacks (DDoS) at umabot sa punto na pina-block ng National Telecommunications Commission.
Malinaw na Internet censorship.
Ang internet censorship ay hindi lang sa Pilipinas nangyayari.
Sa assessment ng Freedom on the Net October 2023, lumabas na mas lumala pa ang kawalang internet freedom sa nagdaang 13 sunod-sunod na taon.
Sa kanilang report, pinakamatindi ang panunupil sa Internet sa Iran. Nag-shutdown sila ng Internet service, nag-block ng WhatalsApp at Instagram.
Sa assessment, halos talunin ng Myanmar ang China sa Internet suppression.
Nabanggit pa nga ang Pilipinas nang lumala ang panunupil aaIinternet freedom panahon ni Duterte nang ipatupad ang anti-terrorism law na pinapairal pa rin hanggang sa Marcos Jr. administration.
Sa monitoring pa ng Freedom on the Net, 55 sa 70 bansa ang dinedemanda sa pagsasabi ng mga tao ng kanilang mga hinanaing, habang sinasaktan at pinapatay ang mga indibiduwal na nagkokomentaryo sa social media sa 41 bansa.
Maski ang sinasabing bastion of world democracy na USA at Europe ay inireport din na nagpapatupad ng maraming restrictions sa Internet.
Sa paglaganap ng Artificial Intelligence sa media, inireport din ng Freedom on the Net na ginagamit ito ng 22 gobyerno para tanggalin ang mga hindi paborableng political, social at religious speech.
May 47 bansa rin ang nag-deploy ng Generative Artificial Intelligence commentators para manipulahin ang online discussions para pumabor sa mga gobyerno.
Ang irony nyan, na sobra pang nakalulungkot at nakagagalit dyan – nangyari ang harassment kina Manabat at Quejada, sa araw ng March 12, kung kelan ginugunita ng sangkatauhan ang World Day Against Cyber Censorship.
Irony at nakagagalit na malaganap at mas malupit ang cyber censorship sa maraming bansa at ginagamit ng mga gobyerno para panatilihin ang mga mapagsamantalang mayayaman sa poder ng kapangyarihan.