Utos ni Duterte, uubrang depensa?

KUMABOG nga ba ang dibdib ni dating PNP General Ronald dela Rosa sanhi ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court sa pamamaslang ng 12,000-30,000 sibilyan alinsunod umano sa utos at state policy ni Pangulong Duterte?

Di lamang kaso ng crimes against humanity of murder ang sinisiyasat ng ICC Office of the Prosecutor, kundi maging crimes against humanity of torture, other inhumane acts, imprisonment or other severe deprivation of liberty, enforced disappearance, attempted murder, at sexual violence.

“Si Bato nanerbyos (sic) kasi kasali siya doon, sa Tokhang niya,” wika ni Pangulong Duterte noong Huwebes, Oktubre 21, 2021, sa Lucena City.

Ayon sa ulat ni Pia Ranada sa Rappler, nagpahayag din sa naturang okasyon si Duterte na kanya aniyang sinabi kay dela Rosa, “Keep quiet and… ituro mo ako.”

“Si Duterte ang nag-utos.”

Wika pa ni Duterte, “Sabi ko, huwag ka mag-alala.”

“If there is any person who is going to prison it would be me. But it should be a Filipino court, manned by a Filipino judge and being prosecuted by a Filipino prosecutor.”

“I assume full responsibility kaya sabi ko kay Bato, huwag kang mag-ano.”

“Keep quiet and just, ako, ituro mo ako. Si Duterte ang nag-utos.”

“Kung ano nasa listahan mo, utos ni Duterte ʹyan.”

Lusot nga ba si Senator dela Rosa sa pananagutang kriminal?

Paano naman ang mga opisyal at tauhan ng PNP? Libre ba sila?

Para masagot ʹyan, alamin muna natin ang mga prinsipyo ng batas internasyonal.

Core crimes

Suriin natin, mga kaibigan, ang katangian at implikasyon ng core crimes sa ilalim ng international law.

Kapag sinabing core crimes, ito ang mga krimeng mariing ipinagbabawal at pinarurusahan sa ilalim ng Rome Statute of the International Criminal Court.

Kabilang dito ang crimes against humanity, war crimes, genocide, at crime of aggression (Article 5 – Crimes within the jurisdiction of the Court).

Sagad-butong kinokondena ng mga sibilisadong bansa ang nasabing core crimes.

Superior order

Batay sa probisyon ng Article 33 ng Rome Statute of the ICC, di maitatatwa ng sinumang pulis o sundalo ang kanilang sariling responsibilidad at pananagutan sa pagpapatupad ng ipinag-utos umano ni Duterte na pagpapapatay ng libo-libong sibilyan.

Isinasaad ng Article 33 (Superior orders and prescription of law) – “The fact that a crime within the jurisdiction of the Court has been committed by a person pursuant to an order of a Government or of a superior, whether military or civilian, shall not relieve that person of criminal responsibility….”

Di nila maidadahilang sumunod lamang sila sa utos ng kanilang hepe, kumander, o gobyerno.

Di pinahihintulutan ng batas internasyonal, partikular ng Article 33, ang ganitong pangangatwiran o depensa.

Mananagot pa rin sila, bagama’t sumunod lamang sila sa ipinag-utos ng kanilang hepe, kumander o gobyerno, sa pag-commit ng crimes against humanity.

Sa ganitong pagkakataon, maaari lamang silang gawaran ng mas magaang na parusa. Ito’y kung batay lamang ang ginawa nilang krimen sa pagtalima sa iligal na ipinag-utos ng kanilang hepe o kumander. ICC ang susuri at titimbang sa pangyayari.

Sa ilalim ng batas internasyonal, sa partikular ng Article 33, hindi obligado ang mga pulis o sundalo na tumalima at sumunod sa iligal na order ng kanilang hepe, kumander, o gobyerno. Halimbawa nito ang pag-salvage at pagsasagawa ng targeted killing ng hinihinalang kriminal, adik, o komunista, alinsunod umano sa atas o state policy ng mismong presidente.

Malinaw na labag sa batas ang salvaging at targeted killing. Lalo pa’t organisado, sistematiko, at malawakan ang pagsasagawa ng gayong iligal na operasyon sa buong bansa.

Dagdag pa ng Article 33, “For the purposes of this article, orders to commit genocide or crimes against humanity are manifestly unlawful.”

Kapag inatasan silang gumawa ng ganitong hakbang na lubhang salungat at labag sa batas (“manifestly unlawful”), gaya ng pag-EJK (extra-judicial killing) ng mga sibilyan, pati bata, tungkulin ng mga pulis at sundalong huwag ipatupad – at bagkus suwayin – ang gayong iligal na order ng kanilang hepe o kumander.

Sabihin mang nagmula ang gayong utos sa kanila mismong Commander-in-Chief.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]