NITONG Lunes (Marso 6, 2023) sinimulan ang ikinasang mass transport strike ng mahigit 100,000drayber ng dyipni sa buong kapuluan. Ito ay sa kabila ng reinforcement efforts ng gobyerno at ilang mambabatas na pilayin ang protesta sa pamamagitan ng pagpapakalat ng libreng sakay.
Pinapanindigan ng mga drayber na itutuloy nila ang malawakang protesta hanggat hindi ipinapawalang-bisa ng ehekutibo ang Omnibus Franchising Guidelines na epektibong nagtatanggal sa mga tradisyunal na dyipni sa kalsada.
Bumabangon pa lamang muli, pinipilayan na naman.
Ganyan ilarawan ng mga dyipni drayber ang kanilang kasalukuyang sitwasyon. Matatandaang sila ang unang nawalan ng kabuhayan nang magsimula ang pandemya noong 2020. Libu-libo sa kanila ang gumapang sa hirap dahil nawalan ng kabuhayan: may namalimos sa kalsada, may dinakip (si tatay Elmer, dyipni drayber na 72-years-old noon), dahil nanawagan ng balik-pasada, may nagbigting ama at idinamay ang buong pamilya dahil sa desperasyon bunga ng kawalan ng rekurso.
Literal na hand-to-mouth existence ang karaniwang drayber na umaasa lamang sa boundary. At ngayong unti-unti silang bumabangon, pasabog ang dapat sana ay tuluyang phaseout ng dyipni nitong Marso ng kasalukuyang taon. Nahilot ito hanggang Disyembre 2023 matapos makitang desidido ang malaking puwersa ng mga drayber, kasama ang marubdob na suporta ng mga mananakay, na lalabanan ang phaseout at tatalima lamang sa “people-centered modernization” ng mga drayber.
Malaking away kapag iginiit ng gobyerno ang modernisasyong di angkop sa estado ng mga drayber. Ang kabuhayan ay buhay. Dito nagmumula ang lahat ng survival ng kanilang pamilya. Kung kaya sa kabila ng malaking sakripisyong idudulot ng strike at pansamantalang paghihigpit pa ng kanilang mga sinturon, pansamantala silang di magpapakita sa mga kalsada simbolo ng kanilang mahigpit na pagtutol sa di-makataong modernisasyon.
Bakit nga kasi kailangan igiit sa kanila ang P4 milyong halaga ng modern jeep mula Tsina, kung pupuwede naman silang mag-upgrade ng kanilang mga dyip sa halagang P1.5 milyon lamang at sourced out mula sa lokal na gumagawa ng mga dyip?
Hindi sila tumututol sa modernisasyon kung malinaw na ito ay kaya nilang tustusan at makahingi ng maliit man lamang na porsiyento ng subsidy mula sa pamahalaan. Ang P4 milyon na halaga ng jeep na gustong isalaksak sa kanila ng mga pasimuno ng jeepney modernization ay napakabigat na pasanin at hinding-hindi nila makakayang bayaran kahit sa loob ng maraming taon.
Bakit naman nila tututulan ang pag-level up? Pag-unlad ito na inaasahan ng kahit sino. Bakit nila aayawan ang maginhawang dyipni?
Eto yun eh.
Sa likod ng magagandang argumento ng ahensiya ng transportasyon ay ang pagpilit sa mga drayber na pumaloob sa cooperatives at fleet management system at bibili ng 15 imported mini-buses na P2.4 hanggang P4 milyon ang isa para lamang mabigyan ng prangkisa at ruta. Sasagkaan ang malayang pamamahala sa kanilang kabuhayaan at ilalagay sila sa isang organisasyong pinamumunuan hindi ng kanilang mga kauri kundi ng mga enterprising na grupo. Imbes na direktang kita ay makakaltasan pa sila ng porsyento mula sa mga tagapangasiwa. Hindi to makatuwiran sa kanila.
Imbes na puwersahun sila ng LFTRB Circular 2023-013 na tumutukoy sa modernisasyon na tiyak na maglilibing sa kanila sa malalim na hukay ng pagkakautang, dapat ay suportahan silang magplano ng isang transition o upgrading na makakabuti sa kanilang kabuhayan, sa kapaligiran at magiging maginhawa para sa komyuters.
Inhumane at condemnable ang ora-oradang pag aalis ng kabuhayan sa mga drayber sa ngalan ng modernisasyon hanggat walang makataong kompromiso sa na magtitiyak na mapapangalagaan ang kanilang mga karapatan at karapatan ng komyuters.
Cultural icon ang traditional jeepney. We cannot just trash history which reminds us of the Filipino people’s ingenuity.
Misplaced din na pagandahin ang sistema ng transportation at maging madamot sa karapatan ng mga bumubuo ng mga namamasada na siyang inaasahan ng apatnapung porsiyento ng populasyon ng komyuters sa buong bansa.
You cannot upgrade a system and at the same time degrade your people. Maanomalya at pagiging sakim ang kasalukuyang uri ng modernisasyon. Mas dapat itaguyod ang people-centered transition.