On Twitter yesterday (Feb. 27, 2023), a certain Atty, R tweeted: “Skl what happened sa branch namin. A police officer called us asking if there is a decision regarding the acquittal of the accused detained in their jail and which was tried in our court. We told them there was already an Order by the Judge on the acquittal of the accused, and (the decision) was sent to them a long time ago. They were asking us which part of the order they should look at. The accused is still detained in their facility just because of their lack of reading comprehension. I wonder how many accused all over the country are in the same situation.”
I commented saying, madalas itong mangyari at maituturing na malaking butas ito sa batas na dapat bisitahin at resolbahin.
Dalawang taon na ang nakalilipas, natagpuan na lamang ni Marlyn (kakilala kong taga ibayo) ang sarili niya na kinakaladkad ng awtoridad upang ikulong. Nang busisihin, ang kanyang kasalanan diumano ay ang hindi pagtalima sa mga kautusan ng korte na dumalo sa mga pagdinig. Ayon sa korte, makailang beses siyang pinapadalhan ng summons upang humarap sa korte ngunit hindi siya lumilitaw. Kaya umano siya naisyuhan ng warrant of arrest.
Depensa niya, paano siya tatalima sa utos ng korte kung wala naman dumarating na patawag o summons o kaya ay subpoena (writ na nag uutos para dumalo sa pandinig) sa kanya?
At dahil hindi kinaya ni Marilyn ang noon ay P6,000 piyansa, nanatili siya sa kulangan kahit puwede namang piyansahan ang kanyang kaso. Wala ring tulong na dumating sa kanya sa pormang legal dahil wala siyang kakilala, walang mautusan, walang malapitan. Hindi na rin natingnan ng korte o ng ahensiya ng pulisya na nangangalaga sa kanya ang kanyang sitwasyon. Hanggang sa lumipas ang araw, tinanggap niya ang kanyang sitwasyon, at natabunan ng marami pang kaso ang kanyang kaso.
Resulta: Wala sa lugar at hindi makatuwirang pagkakakulong.
Paano nangyayari ang mga bagay na ito?
Maraming salik. Minsan ay nasa pulisya at sa korte ang problema. Usaping korupsiyon kung saan ang ilang kawani nito ay nakikipagkutsabahan sa nagrereklamo upang idiin ang inirereklamo. Minsan ay sinasadyang ibahin ang address ng inirereklamo upang hindi nito matanggap ang reklamo sa kanya at hindi makagawa ng kagyat na tugon o counteraffidavit. Hindi bago ang acts of conspiracy na ito.
Sometime ago, nakita ng kaibigan kong abogado, si Atty Orlalyn Suarez-Fetesio ang butas na ito sa batas. Kaya naisipan niyang itatag ang Our Rule of Law (ORLA) advocacy group. Misyon ng ORLA na tulungan ang mga taong unjustly detained. Ilan sa mga naging aktibidad ng grupo ang mag interbyu ng mga inmates sa mga notoryus na kulungan sa bansa. Idinokumento ang kanilang kalagayan. Ang mga peligro sa kanilang pagkakakulong. Ang kalakaran sa kulungan lalo na kung ang nakakulong ay babae. Ang ginagawang intervention ng pamahalaan upang tulungan ang mga preso. Ang isyu ng kanilang mental health. Ang livelihood at kung iba pang social at economical interventions. Ang mga dokumentong ito ay naging basehan ng ilang reporma sa kulungan.
Subalit naging busy na si Attorney sa ibang bagay. Kaya pansamantalang inactive ang kanyang NGO.
Noong 2018, nasa pang-anim sa pinakamataas na bilang ng populasyon ng nakakulong sa kabuuang 21 bansa sa Asya ang Pinas.
Noong 2019, sa populasyon ng Pinas na 108,31 milyon, ipinalagay sa 215,000 katao ang nakakulong. Nasa dalawang daan kada 100,000 mamamayan ang incarceration rate sa may 933 kulungan sa bansa. Hindi maganda ang lagay nila sa kulungan bukod sa nagsisiksikan pa ring tila mga fermented na isda sa lata ng sardinas. Sa pag-aaral, ang isang kulungan para sa 30 katao ay kasalukuluyang mayroong 130 katao. Ang siksikang ito ay nagreresulta sa sakit at kamatayan.
Karamihan sa mga nakakulong ay hindi pa talaga convicted at nasa pre-trial stage pa lamang. Maraming tao ang ilang taon nang nasa malupit na mga kulungan kahit hindi pa napatunayang maysala. Ang masaklap nito, may mga nakakulong na patuloy na nasa kulungan sa mahabang panahon na kung tutuusin ay naisilbi na ang dapat na kaparusahan o sobra pa sa dapat na penalty. Sa average, ang mga inmates sa bansa ay inaabot ng siyam na buwan na pagkakakulong nang hindi nasisentensiyahan.
Sa datos, mahigit 5,000 preso ang namamatay kada taon sa New Bilibid Prison(NBP). Ang mga kamatayan ay sanhi ng siksikan kung saan nagkakaroon ng mabilis na hawaan sa sakit, maruming kondisyon sa kulungan at karahasan sa loob ng kulungan.
Sa isang pandinig sa Senado noong 2019, sinabi ng departamento ng medisina sa naturang ahensiya na nagkaroon ng hindi makontrol na outbreak ng pulmonary tuberculosis sa pasilidad. Hindi rin malinis ang kinakain ng mga preso at ito ay dahil kailangang dumaan ito sa paghalukay bago ihatag sa kanila. Ang “halukay” ay ginagawa upang tingnan kung may puslit na droga sa mga dinadalanng pagkain sa kanila ng mga bisita.
Subalit ang pinakamatinding ugat ng problema sa kulungan ay ang malawakang korapsiyon kung saan nangyayaring makalaya ang may pera at makapangyarihan samantalang ang mga walang sala at akusado lamang ay nanatiling nagdurusa o pinapatigas ng karanasan sa marahas na mundong kinasadlakan-ang piitan.
Mahirap maging positibo tungkol sa kalagayan ng mga preso sa kulungan. Saksi ako sa kalupitan, karahasan at inhustisya sa loob noong isang kamag-anak ang maging biktima ng di makatuwirang pagkakakulong. Walang batas o reporma na kagyat na makakapagpabago sa nanlilimahid na sistema.
Mag umpisa dapat sa moral cleansing ng mga ahensiyang sangkot dito ang repormang inaasam ng bawat preso. Magsagawa ng mga aktibidad na magpapatibay sa integridad ng mga kawani ng hustisya.
Itulak din dapat ng DOJ, PNP, PAO, BJMP ang pagmimintina ng abogado sa bawat presinto upang tulungan ang PNP na mag-interpret sa mga resolusyon ng kaso sa korte. Nakakapanlumong hindi makamit o mabimbin ang kalayaan ng ilang nakakulong dahil lamang sa kakulangan ng sapat na kaalaman sa batas ang mga pulis na siyang may kustodiya sa preso.