ILANG beses na natin itong narinig.
Ilang beses na rin siguro tayong napahamak dahil hindi tayo nag-iisip bago natin pindutin ang live button sa ating mga social media accounts.
Napanood niyo ba yung teacher na galit na galit sa mga estudyate niya at naka-live stream siya habang pinagsasabihan ang kanyang mag-aaral?
Ayun, viral ang TikTok video ni teacher. At naging negatibo rin ang feedback sa kanyang video.
Naiintindihan ko na minsan, napupuno rin ang mga guro lalo na kung ang mga estudyante ay feeling entitled, feeling alam na nila lahat, feeling adult at mahirap pagsabihan, at base sa teacher, nakakalimutan ang boundaries.
Pero sa pagkakataong ito, sa aking pananaw, ay lumabis ang naturang guro sa kanyang mga binitawang salita.
Mali ang naging pamamaraan ng teacher nang kanyang kagalitan ang kanyang mga estudyante.
Palagay na natin na malabis din ang mga estudyante at sadyang mahirap silang pagsabihan, pero sana ay nag-isip ang teacher ng ibang paraan para maka-reach out siya sa kanyang mga tinuturuan.
Naniniwala ako na makikinig ang mga estudyante kung tama ang paraan ng pag-sermon.
Sabi nga, ang mga teacher ang pangawalang magulang ng mga bata. Pero paano kung sa bahay ay hindi na supportive ang magulang at masasakit na salita ang naririnig ng bata, tapos pagdating niya sa paaralan ay makakarinig siya ng mga salitang hindi rin kaaya-aya?
Double whammy na tawag ko diyan.
Sana ay mga “encouraging words” na lang ang sinambit ni teacher. Baka nakatulong pa sa mga bata.
Pero yung mga salitang ingrato; wala kayo mararating sa buhay; di na nga kayo matalino, masama pa ugali niyo; at wala kayo lugar sa mundo, ay mga salitang kailanman ay hindi ko naisip na manggagaling sa isang guro.
Ang higit sa masakit at nakalulungkot na sinambit ni teacher ay “ugaling iskwater.”
Mga salitang hindi dapat sinasabi sa harap ng mga estudyante.
Gaano man ka-frustrated ang guro, sana ay nag-isip muna siya kung ano ang magiging outcome ng kanyang pag-live stream.
Ramdam ko ang inis, galit, at poot ni teacher.
Pero hindi sa lahat ng oras ay kailangang naka-broadcast ang iyong mga galaw. Imbes na nakatulong, ay nagpalala pa sa sitwasyon ang nangyari.
Hindi man natin alam ano ang puno’t dulo ng galit ni teacher, tandaan natin na hindi lahat ng oras ay dapat naka-click ang live button.