Tax the rich


Instant noodles vs. gourmet ramen.

McDo coffee versus Tim Horton’s or Manila Pen latte.

Vios versus GT.

Mahirap kontra mayaman.

Maisasara na ba sa wakas ang inequality gap o di pagkakapantay sa estado ng lipunan?

Teka lang, maghunos-dili ka. Hindi kailanman magkakaroon ng exciting part ang naratibo tungkol sa deka-dekada nang agwat ng mayaman sa mahirap. Malayong maisara ang wealth gap. Sa karanasan, lalo pa itong lumapad. Hindi nabago ang siklo ng sistemang iniluwal ng institusyonal na pagsasamantala.




Napilayan, Pero Tuloy Ang Laban

Bagamat isa ako sa nanghinayang na matapos ang 20 taon bilang nangungunang partylist ay hindi nakasama sa listahan ng bagong halal na mga representante sa Kongreso ang Bayan Muna, naniniwala akong hindi ito bumibitaw laban sa pagtatanggol ng mga nasa laylayan.

Natapos ang eleksiyon. Nag iyakan, nagpalakpakan. Hinimok mag-move on at bigyan ng tsansa ang bagong pamunuan. Ibang usapin na ang paniningil sa mga nanlamang. May korte at lansangan na patuloy na tutuligsa sa mga iyan.

Beyond red tagging at leftist ideology, hindi maikakaila ang napakaraming batas na naisulong ng BM para sa mahirap na sektor ng lipunan. Isa rito ay ang pagtataguyod ng isang panukala na maaring maging susi upang unti-unting maisara ang hindi pagkapantay-pantay sa lipunan.

Ang “Tax The Rich” bill (HB 10253) na inisyatiba ng Bayan Muna ay isang panukalang batas na humihiling mapatawan ng dagdag na buwis ang mga “sobrang yaman” na Pinoy. Layunin ng panukala na makalikom ng pondo upang magamit para sa pangangalaga ng serbisyong pangkalusugan at pag-aangat ng kabuhayan ng mga nasa poverty line.

Kung maaaprubahan at maisabatas, mapapatawan ng 1% hanggang 3% na wealth tax ang bawat indibidwal na may netong lagpas sa isang bilyon.

Para sa mag-asawang bilyonaryo, isinasaad ng panukala na kailangang hiwalay ang kompyutasyon ng kanilang mga ari-arian.

Makakalikom ng tinatayang P236.7 bilyong buwis kada taon mula sa hakbang na ito, na maaring ilagak ng gobyerno sa edukasyon, empleyo, healthcare programs at iba pang social mitigating measures.

Ayon sa Makabayan bloc na kinakapalooban ng BM, matagal na panahon nang ang buwis ay kinokolekta mula sa mga tao, sa kanilang mga kinonsumo at mga kinikita subalit kahit kelan ay hindi nagtaguyod ng batas tungkol sa pagbubuwis sa mga taong may malalaking yaman at ari-arian.  

“The billions in revenue from this tax would aid the government in pursuing its anti-poverty measures and other social programs that would help in closing the widening divide between the rich and the poor,” pahayag ng Makabayan.




Capital Flight

Imbes paboran ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang panukula na magdadala ng panibagong rebenyu para sa kaban ng bayan, nagbabala siya sa mga mambabatas na maaring magbunsod ang hiling na “tax the rich” ng paglisan ng mga mamumuhunan sa bansa at ng tax avoidance o pag-iwas ng mga mayayaman na magbayad ng tamang buwis.

Mag-aalisan ang mamumuhunan? Malayong mangyari. Investment haven ang Pinas. Mura ang pasahod. Umayos na rin kahit paano ang proseso dahil sa batas na ease of doing business. Ang kukurutin na 1 hanggang 3 porsyento ay hindi makakasugat sa kanilang pinansiya.

Kung isasarbey ang mayoryang populasyon tungkol sa isyu, tiyak na walang pag-aatubiling papabor sila sa pagsasabatas ng naturang panukala. After all, mas di hamak na marami ang populasyon ng mahirap kaysa mayaman.

Nakikita rin nila ang lohika ng pagbubuwis sa mayayaman upang magamit sa poverty-reduction projects ng gobyerno. Maliwanag din na ang mga super rich lamang ang kukunan ng dagdag na buwis.  

Makatuwiran naman talaga na ang mga taong may higit na yaman at ari-arian ang mas dapat may mataas na responsibilidad, kabilang na ang karagdagang bayad sa buwis. Nais natin ng makatarungang mundo, kaya dapat magsimula ang pangarap na iyan sa ganitong panukala—buwisan ang mayayaman at may labis-labis na karangyaan.

Nakakalungkot na ordinaryong mamamayan ang laging naisasantabi sa mga benepisyo, samantalang sobra sobra ang pampering sa mga mayayaman. Pero sa karanasan ng mga bansang nagpatupad ng tax cuts sa mga mayayaman, wala namang nabago sa estado ng empleyo at pangkalahatang ekonomiya. 

Dito na lang sa Pinas, nagpatupad ng CREATE o Corporate Recovery and Tax Incentives Act pabor para sa mga negosyante para pa rin sa layuning makahikayat ng maraming mamumuhunan pero walang naitalang malaking pag-unlad sa pambansang ekonomiya ang naturang mekanismo. Mas nakahikayat lamang ito ng POGOs at mga pasugalan.

Only in the Philippines na ang mga gobyerno ay napagaling mangako ng “buwan at bituin” bago maghalalan, upang pagkatapos ay sasabihin sa taumbayan na ang mga pinangako ay aspiration o pangarap pa lamang.

Only in the Philippines na ang mga mambabatas ay magkakamag-anak na mayayaman, kubkob ang malalaking negosyo, nasa billionaire’s list.

Tax the rich? 

Malaking ilusyon yan sa ilalim ng kasalukuyang political structure.  


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]