HABANG isinusulat ko ang pitak na ito ay lumabas na ang di natin inaasahan—absent si Davao City Mayor Sara Duterte sa filing ng certificate of candidacy sa pagkapangulo noong nakaraang Biyernes, ang deadline ng filing na itinakda ng Commission on Elections, at sa halip ay nag-file siya ng kandidatura sa pagka-mayor ng Davao City.
Sa kabila nito hindi pa rin kumbinsido ang karamihan sa publiko lalo ang mga analyst na kabilang sa oposisyon na ang hindi pagtakbo ni Mayor Sara Duterte ay parte ng istratehiya ng Palasyo na sadyang i-delay ang kanyang tunay na intension hanggang sa Nobyembre 15, ang itinakda naman na deadline ng Comelec para sa substitution ng kandidato.
Isa pang hindi inaasahan ng lahat ang pag-file ni Senador Bong Go na kandidato bilang pangalawang pangulo habang si Senador Ronald “Bato” de la Rosa ay nag-file ng kandidatura sa pagkapangulo sa ilalim ng PDP-Laban Cusi wing.
Si Bong Go ay sinamahan pa ni Pangulong Duterte habang si De la Rosa naman ay kasama ang ilan pang mga kandidato ng administrasyon. Inamin ni Dela Rosa na isang party decision ang kanyang pagtakbo, subalit inamin din niya na handa siyang bumigay kapag nagdesisyon na si Sara na tumakbo bilang pangulo.
Subalit si Sara, lider ng local na Hugpong ng Pagbabago, ay hindi miyembro ng Administration party PDP-Laban kaya’t hindi pinapayagan ng batas na siya ay pumalit kay Bato o maging kay Bong Go kung hindi siya magiging miyembro ng kanilang(Go at dela Rosa) partido.
Nakakaduda ba? Ang tingin ng marami, lalo na ng mga stalwart ng mga kalabang partido, ang istratehiyang ito, at kung totoo man na tatakbo si Sara sa pamamagitan ng substitution, ay isang istratehiyang ginamit na ni Pangulong Duterte noong 2016.
Lumang tugtugin, ngunit legal?
Matatandaan na si dating Quezon City barangay chairman Martin Diño na ngayon ay undersecretary for Barangay Affairs ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay nag-sub kay Duterte. Kontrobersyal ang galaw na ito lalo na ngayon pero wala namang kahit isang abogado ang makakapagsabi na illegal ang ganitong aksyon.
Pinapayagan kasi ng Section 77 ng Omnibus Election Code (BP881) ng 1981 ang substitution base sa kamatayan, disqualification o withdrawal ng kandidato sa national at local—iyan ay kung ang papalit ay kapartido ng aatras na kandidato. Pwede lang pumalit ang isang kandidato kapag ang namatay na kandidato o nadisqualify na kamag-anak o may parehong apelyido.
Marami nang pagkakataon na nagpalit ng kandidato sa national at local dahil sa kamatayan at disqualification ngunit nito lamang 2015 nagkaroon ng substitution base sa withdrawal ng kandidato. Mauulit ba ang ganitong istratehiya ngayong November 15, ang date na itinakda ng Comelec na deadline ng substitution base sap ag atras ng orihinal na?
Maraming nagsasabi na pwede itong mangyari dahil pinapayagan ito ng batas…ika nga, love is fair in love and in war. Lumalabas kasi na ang itinakdang date para sa substitution based on withdrawal ay ang Comelec mismo ang gumawa. Kaya’t ang mungkahi ni Senate President Tito Sotto na palitan ang Comelec ruling at ang batas lumalabas na too late the hero, ika nga.
Bagama’t hindi ito illegal, ayon sa ilang eksperto sa eleksyon hindi rin ito masyadong pinag uukulan ng pansin dahil may isyung moral na kaakibat sa probisyon na ito ng batas. Lumalabas kasi na ginagamit na lang ito ngayon upang makaiwas sa mga demolition jobs na ginagamit ng ilang political parties laban sa mga katunggali nito sa pulitika.
Sino nga ba naman ang hindi makakalimot sa ginawa nila Senador Antonio Trillanes IV at Rep. Alan Peter Cayetano kay dating Vice President Jejomar Binay noong 2015. Si VP Binay kasi ang nangunguna sa mga survey noon sa karera sa pampanguluhan noong 2016.
Sabi naman ng kampo na malapit sa kalaban ni Mayor Sara, possible pa rin naman siyang tumakbo sa ilalim ng ibang partido katulad ng PRRD at Lakas.
Ano sa tingin n’yo? Tatakbo ba si Mayor Sara o hindi? Kung hindi siya tatakbo lalabas na si Senador Bato ang pambato ng ruling party…at kung siya naman ay tatakbo, aatras ba si Senador dela Rosa at dating Senador Bong Bong Marcos sa labanan?
Kayo, ano sa tingin n’yo?